Paggunita sa Semana Santa sa Metro Manila naging mapayapa
Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Major Geberal Jose Melencio Nartatez Jr. na “generally peaceful” ang paggunita ng Semana Santa sa Metro Manila.
Ayon sa NCRPO, walang untoward incidents na resulta ng mabusising paghahanda at ipinatupad na heightened security measures.
Bumaba rin sa 30.42% ang antas ng krimen o crime rate sa Metro Manila sa buong Kuwaresma.
Bunga rin ito ng pagtutulungan ng Team NCRPO sa mga local government units, ibang law enforcement agencies, at private stakeholders na nakapagtatag ng komprehensibong balangkas ng seguridad sa pamamagitan ng mga mekanismo sa pagbabahagi ng impormasyon at pinagsamang mga operasyon.
Nagpakalat ang NCRPO ng kabuuang 12,407 na pulis na nagbantay sa ilang mahahalagang lugar kabilang ang 295 na simbahan, 90 pangunahing kalsada, 139 terminals/ transport hubs,1,092 commercial areas, at 82 places of convergence upang pigilan ang mga kriminalnna aktibidad at mapanatili ang kaayusan sa panahon ng malalaking aktibidad ng relihiyon.
Matatandaan na personal na tinututukan ni RD Nartatez ang seguridad para sa Semana Santa upang tiyakin na mapanuri at mapagmatyag ang Metro cops sa mahigpit na pagpapatupad ng mga direktiba at security guidelines.
Sa patuloy niyang pag-iinspeksiyon,nagarantiyahan ng Police Assistance Desks at presensiya ng mga pulis ang mga mahahalagang lugar kasama ang terminal hubs at religious sites.
Sa karagdagang mga hakbang pangseguridad, nakibahagi ang NCRPO sa mga tradisyong pangrelihiyon bilang parte ng PNP Core Value “Maka-Diyos.”
Ginunita ang Passion of Christ sa isinagawang “Pabasa” nitong Huwebes Santo at Biyernes Santo ng NCRPO Command Group, Regional Staff, Regional Mobile Force Battalion, at Regional Support Units.
Ang mga tauhan ng NCRPO ay lumahok din sa mga pagdarasal at pagninilay-nilay sa Stations of the Cross nitong Biyernes Santo bilang pag-alaala sa sakripisyo ni Hesu Kristo at kamatayan nito sa krus.
Nagpapatuloy naman ang pagbibigay seguridad ng mga ipinakalat na pulis para sa pagbabalik sa Metro Manila ng mga residente na umuwi sa kani-kanilang probinsiya upabg doon gunitain ang Semana Santa.
“We are grateful to the general public, particularly the devotees, for their cooperation, which has played a vital role in achieving and maintaining peace and order,” sabi ni PMGen Nartatez.
Nakahanda na rin ang NCRPO para sa kaligtasan ng publiko dahil sa inaasahang pagdami ng mga aktibidad at bisita sa Metro Manila ngayong nalalapit na ang summer vacation season. (Bhelle Gamboa)