Halaga ng PH Exports noong 2023 umabot sa USD 100 billion
Inanunsyo ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual na umabot sa USD 100 billion ang halaga ng Philippine exports sa kauna-unahang pagkakataon noong 2023.
Sa inilabas na BPM6 data ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ibinahagi ni Director Bianca Sykimte ng DTI- Export Marketing Bureau (EMB) na ang full-year total exports para sa both goods and services noong 2023 ay umabot sa USD 103.6 billion ang halaga.
Ito ay katumbas ng 4.8% na pagtaas kumpara noong 2022.
Ang pagtaas ay bunsod ng magandang performance ng information technology and business process management (IT-BPM) sectors at mula din sa kinita ng turismo.
Ayon kay Pascual patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) at partner associations nito kabilang ang Animation Council of the Philippines (ACPI), Game Developers Association of the Philippines (GDAP), at ang Healthcare Information Management Association of the Philippines (HIMAP); para matugunan ang pangangailangan ng industry players.
Sa panig naman ng turismo, para makatugon sa National Tourism Development Plan (NTDP) 2023 to 2028, inilunsad ng DOT ang agresibong kampanya para sa layuning maging tourism powerhouse sa Asya ang Pilipinas.
Ang travel services ay dumoble mula noong nakaraang taon ng 2022 at umabot sa USD 9.1 billion noong 2023.
Umabot sa mahigit 5 milyong international visitors ang naitalang dumating sa bansa noong 2023 kung saa 91.8% dito ay pawang dayuhan habang ang nalalabi ay mga overseas-based Filipinos. (DDC)