Dating Congressman Arnolfo Teves Jr. naaresto na sa East Timor
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakaaresto kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. sa Dili, East Timor hapon ng Huwebes, March 21.
Ayon sa DOJ, nadakip si Teves habang naglalaro ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ na ang pagdakip kay Teves ay resulta ng pagtutulungan ng mga law enforcement agencies, kabilang International Police (INTERPOL), National Central Bureau (NCB) sa Dili sa koordinasyon ng East Timor Police.
Ang dating kongresista ay nahaharap sa multiple murder charges na may kinalaman sa pagkakapaslang kay Negros Oriental Gov Roel Degamo at limang iba pa noong Marso 2023.
Si Teves na nasa Red Notice ng Interpol ay nasa kostudiya na ng Timorese Police, at inihahanda na NCB-Dili sa koordinasyon ng NCB-Manila at Dili Philippine Embassy ang extradition sa Pilipinas. (DDC)