Mahigit 13,000 na residente ng Polilio Group of Islands, napagkalooban ng serbisyong medikal

Mahigit 13,000 na residente ng Polilio Group of Islands, napagkalooban ng serbisyong medikal

Mahigit labintatlong libong residente ng Polillo Group of Islands (POGI) ang nakinabang sa isinagawang limang (5) araw na medical, dental at surgical caravan o Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon noong Marso 14 – 18, 2024.

Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan ay tinungo ng pamahalaang panlalawigan kasama ang mga katuwang na mga doktor, nurse at espesyalista mula sa RAKKK Prophet Medical Center Inc., Integrated Provincial Health Office (IPHO), Quezon Provincial Health Network – Quezon Medical Center (QPHN-QMC), Rizal Medical Center, East Avenue Medical Center, Batangas Medical Center at ilang pribadong mga doktor ang mga islang bayan sa unang distrito ng lalawigan.

Kabilang dito ang mga bayan ng Panukulan (2,410), Polillo (2,593), Burdeos (2,786), Patnanungan (2,871) at Jomalig (3,094).

Kabilang sa mga serbisyong medikal na ipinagkaloob sa naturang medical caravan ay libreng check-up, bunot ng ngipin, tuli, minor surgery sa may maliit na bukol, check-up sa buto (Orthopeaedic), derma, eye check-up, ENT, FBS/RBS, Ultrasound, Cervical Cancer Screening, X-ray, ECG, CBC, Urinalysis, pagpapabakuna ng PCV 23 at HPV.

Nagkaloob din ng pinansyal na tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pasyente na ang mga resetang gamot ay wala sa naturang medical mission sa tulong ng Provincial Social Welfare and Development Office at Provincial Treasurer Office.

Sa pamamagitan naman ng Office of the Provincial Veterinarian, nagkaroon ng pagkakataon na magpaturok ng anti-rabies, deworming, at konsultasyon ang mga may alagang hayop.

Nagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng mga gamot sa bawat barangay ng limang bayan sa POGI Area na magsisilbing pantawid tulong para sa may mga ubo, sipon, sakit sa ulo, tiyan at iba.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Governor Tan sa patuloy na nagiging katuwang para maging matagumpay ang naturang programa tulad ng mga doktor, nurse, at espesyalista, gayundin ang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Ito na ang ikalawang beses na nagsagawa ng medical, dental at surgical caravan sa POGI Area na pagpapatunay sa ipinangako ni Governor Tan na ilalapit sa bawat sulok ng lalawigan at mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan.

Tiniyak naman ng gobernador na lahat ng bayan sa lalawigan ng Quezon ay mapupuntahan ng naturang caravan at dahil sa lawak ng probinsya ay inuuna muna ang pinakamalalayong bayan.

Ikinatuwa naman ng mga residente sa isang pambihirang pagkakataon na taun-taon silang binibisita at dinadalhan sila ng madaming tulong hindi lang sa medical pati na ang mga magsasaka, mangingisda, barangay tanod, mga kababaihan na binigyan ng pag-asa na makapaghanap buhay.

Kabilang sa mga ipinamahagi ng provincial Government ay ang mga kagamitang pangsaka, kagamitan sa mga barangay tanod at ganun din ang konsultasyon sa bawat mamamayan para malaman ang hinaing ng bawat assosasyon at pagbibigay ng legal advise sa pamamagitan ng provincial legal team ng probinsya.

Tampok sa naturang caravan na kasama sa medical and surgical caravan sina Vice Governor Third Alcala, Bokal JJ Aquivido, Infanta Vice Mayor L.A Ruanto, Retired General Atty. Elmo ‘Ringo’ Sarona, mga Mayor, Vice Mayor ng limang bayan sa Polillo Group of Islands, Sangguniang Bayan members at mga kapitan na nakiisa sa naturang aktibidad. (via Ronda Balita Probinsya / JR Narit)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *