Sangguniang Panlungsod ng Las Piñas nagsagawa ng 75th regular session
Isinagawa ng Las Piñas City Council sa pamumuno ni Vice Mayor April Aguilar, ang ika-75 na regular na sesyon nito na nakatuon sa mga inisyatibang magpapabuti sa pamamahala sa lungsod at kapakanan ng komunidad, kamakalawa.
Masinsinang tinalakay ang ilang inisyatiba kabilang ang pagpapalakas sa pamamahala ng trapiko sa Las Piñas at pag-aaral muli sa taunang budget ng mga barangay na sumasalamin sa pangako ng konseho na komprehensibong pagpaplano at pagpapaunlad ng munisipyo.
Mahalagang pinag-usapan din ng konseho ang pagpapatibay ng mga kasunduan na magsasaayos ng mga operasyon sa lungsod kasama na rito ang implementasyon ng makabagong mga solusyon sa pasuweldo ng mga empleyado ng Las Piñas para sa gagawing modernong pamamahala at mas mahusay.
Samantala tinugunan din sa sesyon ang mga pangangailangan sa komunidad sa pamamagitan ng deliberasyon sa kahilingan sa pagpapaluwag ng buwis,pagpapahiwatig ng konseho sa pagtugon sa alalahaning pangpinansiyal ng mga residente at negosyo.
Ang ganitong mga hakbang ay pagbibigay-diin sa mga layunin ng Sanggunian na siguruhin ang patuloy na kaunlaran at kapakanan ng mga Las Piñero. (Bhelle Gamboa)