Rekomendasyon sa pagpapalaya sa 97 pang PDLs ng BuCor inaprubahan ni Remulla
Inaprubahan ni Department of Justice Secretary Crispin Remulla ang rekomendasyon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P.Catapang Jr. sa pagpapalaya sa 97 persons deprived of liberty (PDLs) na nakapagsilbi ng hatol na 40 taon kasama ang time allowances.
Sa naturang kabuuang bilang ng PDLs, 47 rito ang mula sa New Bilibid Prison, 23 sa Iwahig Prison and Penal Farm, 12 sa Sablayan Prison and Penal Farm, anim sa Davao Prison and Penal Farm, lima sa San Ramon Prison and Penal Farm, at apat sa Correctional Institution for Women.
Lumitaw sa prison records ng nasabing PDLs na nahatulan sila ng isang bilang lamang ng Reclusion Perpetua o Life Imprisonment (habambuhay na pagkakabilanggo) subalit sa mga nakapagsilbi kasama ang time allowances ay sumobra na sa kanilang maximum na sentensiya base sa pagcompute sa lumang probisyon ng Revised Penal Code (RPC) sa time allowances.
Bilang parte sa hakbang na paluwagin ang mga kulungang pasilidad at pabilisi ang pagpapalaya sa mga kuwalipikadong PDLs, ginaya ng DOJ at Bucor ang Department Order 652 na nagrerebisa sa panuntunan at pamamaraan sa pagpapalaya sa PDLs na natapos na ang mga hatol.
Samantala,tatlong abogado ang binigyan ni Catapang ng promosyon mula sa Corrections Officers patungong Senior Inspector sa ginanap na simpleng oath-taking at donning of ranks ceremony sa loob ng kanyang opisina.
Kinilala ang mga napromote na abogado na sina Atty. Nancy Pun-ad, Cynthrose Casanova at Francis Jade Pajunar.
Pinaalalahanan ni Catapang ang mga bagong napromote na opisyal na hindi lamang basta gawin ang kanilang trabaho kundi gawing mas mahusay ito dahil malaki ang inaasahan mula sa kanila.
Dumalo rin sa aktibidad sina Asec. Al Perreras, Deputy Director General for Administration at Asec. Gil Torralba, Deputy Director General for Security and Operations. (Bhelle Gamboa)