Pag-iisyu ng pekeng land titles sa Baguio City pinaiimbestigahan sa NBI
Hiniling ng mga Baguio City government sa National Bureau of Investigation – Cordillera Administrative Region (NBI-CAR) na imbestigahan ang pag-iisyu ng pekeng land titles sa lungsod sangkot ang isang grupo.
Nais ng City government na mayroong masampahan ng kaso ang sangkot sa ilegal na gawain partikular ang Bagong Lahing Pilipino (BLP) Multipurpose Cooperative o Bagong Lahing Pilpino Development Foundation, Inc.
Kasama din sa pinaiimbestigahan ang nagngangalang Jovito Camangon Salonga, vice chairman ng organisasyon, dahil sa pag-iisyu ng pekeng land titles.
Noong January 22, 2024, nagpasa ng resolusyon ang City council kung saan binibigyang babala ang publiko sa ilegal na aktibidad ng grupo.
Ayon sa ilang konsehal ng lungsod, may mga kaanak silang nakatanggap ng titulo ng lupa kapalit ang malaking halaga ng pera.
Nang isailalim sa pagsusuri ay napatunayang peke ang mga titulo. (DDC)