Pilipinas maghahain ng protesta laban sa China ayon kay Pang. Marcos
Maghahain ng protesta ang pamahalaan laban sa China kaugnay ng panibagong insidente ng pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., magsasampa ng protesta ang Pilipinas sa mapaghamong hakbang ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) vessels kabilang ang pagharang, pagbomba ng water cannons, at pagsasagawa ng dangerous maneuvers habang nagsasagawa ng resupply and rotation mission para sa mga sundalo na naka-destino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa panayam sa kaniya ng media sa Melbourne bago ang pag-uwi nito sa bansa.
Sinabi ng pangulo na dahil sa hakbang ng China, nagkaroon ng sira ang isang barko ng Pilipinas at mayroon ding ilang tauhan ang nasaktan.
Nabatid na apat na sakay ng barko ng Pilipinas ang nasaktan sa insidente.
Malinaw din ayon sa pangulo na pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas ang pananatili ng barko ng China sa Benham Rise. (DDC)