170 na pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Las Piñas

170 na pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Las Piñas

Nawalan ng tirahan ang aabot sa 170 na pamilya habang tatlong residente ang naiulat na nasaktan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Las Piñas City kahapon.

Base sa inilabas na disaster incident report ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), kasalukuyang nananatili ang nasa 648 na apektadong indibiduwal sa Barangay Elias Aldana Covered Court kung saan agad na nagtayo ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ng mga modular tent para sa maayos na matutuluyan ng mga biktima.

Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang apoy sa Kurba, Brgy. Elias Aldana sa lungsod dakong 1:23 ng hapon nitong Marso 5.

Mabilis na kumalat ang apoy kung saan tinatayang 150 na bahay na pawang gawa sa light materials ang naabo sa sunog.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang fire out ng BFP bandang 3:22 ng hapon kahapon sa tulong ng pagresponde ng 21 na fire trucks sa lugar.

Iniulat naman ng otoridad na tatlong residente ang nasugatan sa insidente na kinilalang sina Wenceslao Tolentino, 26-anyos,nagtamo ng first degree burns sa kanang braso; Norlita Tegero,55-anyos, at Jonniel Moya, 24-anyos, kapwa nagtamo ng 1st degree burns sa kanang kamay.

Patuloy na inaalam ng otoridad ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian sa naturang lugar.

Samantala, kaagad na pinuntahan ni Vice Mayor April Aguilar ang mga apektadong pamilya upang alamin ang kanilang sitwasyon at kalagayan para sa pagbibigay naman ng kaukulang tulong mula sa lokal na pamahalaan. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *