African national arestado sa pekeng visa sa NAIA
Hinarang at inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng African national na nagprisinta ng pekeng visa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa report, palabas na sana ng bansa patungong Europe ang pasaherong si Binetou Dieng, 23-anyos, nang pigilin siya ng otoridad na makalabas ng bansa sa departure area ng NAIA Terminal 1 makaraang magpakita ang dayuhan ng pekeng Schengen visa.
Inihayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na sinubukan umanong lumabas sa bansa ni Dieng at sasakay sana ng Eva Air flight patungong Taipei para makarating sa kanyang destinasyon sa Milan, Italy.
Sa pagsalang ng dayuhan sa secondary inspection ng mga immigration supervisor, dito nalaman na pawang peke ang lahat ng kanyang dokumento.
Kasalukuyang nakadetine si Dieng sa warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang pinoproseso ang deportation papers nito.
Isinama na rin si Dieng sa blacklist ng BI para hindi na muling makapasok pa sa Pilipinas. (Bhelle Gamboa)