Makati Garden and Park pansamantalang isinara sa kakulangan ng permits mula sa Taguig City Hall
Ipinasara pansamantala ng Lungsod Taguig ang Makati Garden and Park, isang pampublikong pasilidad na nasa ilalim ng hurisdiksiyon nito dahil sa kakulangan ng permits mula sa Taguig City Hall.
Ang pagsasara ay alinsunod sa kapangyarihan ng isang LGU sa ilalim ng Local Government Code, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga lokal na ordinansa na nagbibigay awtoridad sa lokal na pamahalaan na i-regulate ang ano mang negosyo, kalakal, o aktibidad sa teritoryo nito sa pamamagitan ng pag-isyu ng mayor’s permit matapos makapagsumite ang aplikante ng mga dokumento at makapagbayad ng angkop na fees at charges.
Paglilinaw pa ng lokal na pamahalaan na walang permits mula sa Taguig City Hall ang Makati Garden and Park.
Ang naturang parke, na noon pa ay isinara na ng Makati sa publiko at ginagamit na lamang na garahe ng heavy equipment nito at tambakan ng kung ano-anong mga bagay kagaya ng mga Christmas trees at parol, ay sakop ng hurisdiksiyon ng Taguig na siyang may karapatan sa paghawak at pamamahala nito bilang isang pampublikong pasilidad. (Bhelle Gamboa)