Parke sa EMBO ginawang ‘tambakan’ ng Makati
Ang parke ay para sa mga residente ng EMBO, dapat itong ipagamit sa kanila ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig.
Imbes na ipagpatuloy ni Mayor Abby Binay ang sadyang pananabotahe at pagpapakita ng poot sa lahat na lamang ng kanyang ginagawa, makabubuti na simulan na lamang ang proseso ng pagtanggap at paghariin ang interes ng publiko.
Tinuldukan na ng Korte Suprema ang usaping ito. Walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa. Ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na ilegal na kinamkam ng Makati at inukupahan ng mahigit tatlong (3) dekada ang 10 EMBO barangay. Walang kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad gayong sila ang nahusgahang nangamkam ng teritoryo ng Taguig.
Ipinagmamalaki ng Makati na ang mga naturang pasilidad ay ipinundar ng Makati. Pero hindi binabanggit ng Makati na mahigit tatlong (3) dekada silang ilegal na kumulekta ng mga buwis sa lupain at negosyo sa EMBO, mga pondo na dapat ay sa Taguig napunta. Kaya papaanong masasabi ng Makati na sila ang nagpundar ng mga pampublikong pasilidad sa EMBO? Hindi kailanman nagiging may-ari ang magnanakaw ng bagay na kanyang ninakaw.
Bigyan na sana ni Mayor Abby Binay ng daan ang matiwasay na pamamahala ng Taguig kaysa patuloy na bitbitin sa puso ang galit dulot pagkatalo sa kaso laban sa Taguig at pagkawala ng 10 EMBO barangay na resulta din naman ng mga hakbang na siya din ang may gawa.
Ipinag-utos ni Mayor Abby Binay ang pagsasara ng mga health centers pati ambulansya na mula sa DOH ay tinangay pa! Para sa taga-EMBO ang mga health centers at ambulansya. Hindi ito dapat basta ipasara o tangayin. Para saan ang pag-iyak dahil daw sa mahal niya ang mga taga-EMBO kung nakukuha nya namang tiisin at pabayaang kalawangin, magkaagiw at mabulok na lang ang mga pasilidad kesa ipagamit para sa kagalingan ng minamahal niya daw na taga-EMBO? Anong klaseng pagmamahal ito?
Sa kabila ng walang tigil na sabotahe, ipinababatid sa lahat na agad nakapagtayo ang Taguig ng health center sa Southside, botika sa East Rembo at West Rembo, at assistance center sa Pembo. May telemedicine at shuttle service pa para dalhin ang mga pasyente sa mga PhilHealth-accredited health centers ng Taguig.
Bukas para sa residente ng EMBO lahat ng pangkalusugang pasilidad ng Taguig gaya ng Taguig Pateros District Hospital (TPDH), 31 health centers, 3 super health centers, 7 primary care facilities, Dialysis Center, 5 Animal Bite Treatment Center, 3 main laboratories, 29 community-based laboratories, at partnership with Medical Center Taguig at St. Luke’s BGC.
Masaya din naming ibinabalita ang magandang resulta ng regular na Love Caravan na lubos na pinapakinabangan at ikinasisiya ng mga residente ng EMBO.
Masaya rin ang mga taga-EMBO sa iba pang mga serbisyo ng Taguig tulad ng Pamaskong Handog (na may dagdag na 10 kilo ng bigas), Scholarship (na para sa lahat at hindi lang sa top 10% ng graduating class), Birthday Cash Gift for Senior Citizens at Persons with Disabilities (na house-to-house ang pamimigay), Day Care Centers (na nasa totoong paaralan), flood control measures (na madalas), pailaw sa mga kalye (na agarang ginagawa), at Center for the Elderly at Center for Persons with Disabilities (na sa Taguig lang makikita).
Ang parke ay nararapat buksan para sa publiko at hindi dapat gawing tambakan lamang. Ito ay para sa mga mamamayan ng EMBO. (Bhelle Gamboa)