Las Piñas City Council nagsagawa ng 73rd regular session
Sumentro sa usaping pangkaunlaran, edukasyon at kapakanan ng komunidad sa Las Piñas ang isinagawang ika-73 na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod kamakalawa.
Pinangunahan ni Vice Mayor April Aguilar ang pagtalakay sa sesyon kaugnay sa malawak na agenda na inaasahang magbibigay ng mahahalagang kaunlaran sa lungsod.
Kabilang sa masusing pinag-usapan ang endorsong Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod at Department of Health para sa Las Piñas Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (LPDATRC) na naglalayung palakasin ang pangakong paglaban sa pang-aabuso sa droga sa komunidad.
Bukod dito tinalakay din ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpapabuti sa suportang edukasyon at accessibility o madaling pagkuha nito ng mga Las Piñeros, at ilang mungkahi patungkol sa pagnenegosyo sa lungsod.
Tinugunan din ng Sangguniang Panlungsod ang mga alalahanin sa komunidad, iba pang kahilingan ng mga residente na maalis ang penalties at interes sa mga buwis, at endorso kaugnay sa nangyaring sunog sa Maligaya Compound, Barangay Pilar nitong Pebrero 22.
Pinagtuunang-pansin din ng konseho ang iba’t ibang inisyatiba sa imprastruktura at edukasyon para sa kapakanan ng komunidad at pagtugon sa emergency o panahon ng kagipitan na kasiguraduhan tungo sa kaunlaran ng Las Piñas. (Bhelle Gamboa)