“Disturbing” at “inappropriate” na pahayag ng mga local official na dumalo sa Hakbang ng Maisug Prayer Rally pinuna ng DILG
Pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. ang mga lokal na opisyal na maging maingat sa paggamit ng mga salita sa mga dinadaluhang pagtitipon.
Ginawa ni Abalos ang pahayag kasunod ng idinaos na Hakbang ng Maisug Prayer Rally noong Linggo ng gabi na dinaluhan ng ilang local officials sa Cebu City.
Para kay Abalos “disturbing” at inappropriate” ang mga binitawang pahayag ng ilang lokal na opisyal na dumalo sa pagtitipon.
Ayon kay Abalos, bilang public officers, dapat panatilihing may dignidad ang mga salita at pagkilos.
Dapat ding magsilbing halimbawa sa mga ito sa kani-kanilang constituents lalo na sa mga kabataang nakikinig o nanonood.
Paalala ni Abalos sa mga lokal na opisyal, dapat iwasan ang paggamit ng mga bulgar at abusive language.
Maaari naman aniyang ihayag ang opinyon habang pinapanatili ang pagiging magalang o pagkakaroon ng respeto.
Sinabi ni Abalos na dapat laging isipin ng mga local officials na sa ilalim ng Code of Ethics of Public Officials nakasaad ang dapat pagpapanatili ng integridad, professionalism, at respeto sa mga kasamahan sa gobyerno at sa lahat ng tao. (DDC)