Coast Guard hindi pa nare-recover ang kanilang FB page na napasok ng hacker
Patuloy ang ginagawang hakbang ng Philippine Coast Guard (PCG) para ma-recover ang Facebook page nito na napasok ng hacker.
Sa update mula sa Coast Guard, sinabi ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, nakipag-ugnayan na ang Coast Guard Public Affairs (CGPAS) sa Meta at ibinigay ang mga kinakailangang detalye para mabawi ang page access.
Sa ngayon sinabi ni Balilo na nagpapatuloy ang kanilang recovery efforts katuwang ang Meta.
Nakipag-ugnayan na din ang PCG sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group at base sa inisyal na konsultasyon lumalabas na nagkaroon ng online security breach sa FB page.
Makikipagpulong din ang CGPAS sa Coast Guard Weapons, Communications, Electronics, and Information System Command (CGWEIS) para sa page recovery.
Lunes (Feb. 26) ng makompromiso ang Facebook page ng PCG.
Kamakailan lamang ay napasok din ng hackers ang official X account ng Coast Guard. (DDC)