DMW ikinatuwa ang pagpapatibay ng korte sa Kuwait sa hatol at sentensyang ipinataw laban sa akusado sa pagpatay kay Jullebee Ranara
Ikinatuwa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapatibay ng korte sa Kuwait sa hatol at sentensyang ipinataw laban sa akusado sa pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara.
Sa pahayag sinabi ni DMW Officer-in-Charge, Undersecretary, Hans Leo Cacdac na welcome sa ahensya ang ruling ng Appeal Court sa Kuwait.
Pinagtibay ng korte ang hatol na guilty at sentensyang 16 na taong pagkakabilanggo sa akusado sa kasong murder kay Ranara.
Ayon kay Cacdac, naimpormahan na ang mga kaanak ni Ranara hinggil sa naging pasya ng korte.
Tiniyak din ni Cacdac na patuloy na aasistihan ang pamilya ni Ranara base na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, inatasan na ni cacdac ang Migrant Workers Office sa Kuwait (MWO-Kuwait) na makipagtulungan sa retained legal counsel sa pagsasampa ng civil action for damages laban sa ama ng akusado. (DDC)