Mahigit 200 katao naospital sa Agusan Del Sur dahil sa pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi
Umabot na sa 216 na katao ang nadala sa ospital sa isang bayan sa Agusan del Sur dahil sa pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi.
Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), batay sa ulat ng Provincial Health Officials sa Agusan Del Sur, ang mga naospital ay pawang mula sa Brgy. Tandang Sora sa bayan ng Esperanza.
Nagsimulang makaranas ng sintomas ang mga residente simula noong Lunes ng gabi.
Sinabi ng PRC na ginagawa nito ang lahat upang makatulong sa pagdadala sa mga pasyente sa ospital lalo na ang mga higit na nangangailangan ng atensyong medikal.
Batay sa report ng Red Cross Chapter sa Agusan del Sur, mayroon namang ng 90 pasyente ang nakalabas na ng pagamutan.
Nagtayo na din ang Red Cross ng welfare desk sa Esperanza Medicare Community Hospital para maasistihan ang mga pasyenteng naka-admit pa at kanilang kaanak. (DDC)