Pang. Marcos inatasan ang PSA na magsagawa ng census para mai-update ang listahan ng 4Ps beneficiaries
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Statistics Authority (PSA) na magsagawa ng census para mas maging epektibo ang anti-poverty at social protection initiatives ng pamahalaan.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, tinalakay sa sectoral meeting sa Palasyo ang Community-Based Monitoring System (CBMS).
Iniutos ng pangulo sa PSA na magsagawa ng CBMS ngayong taon upang mai-update ang listahan ng 4Ps beneficiaries.
Ang listahan kasi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na ginagamit ngayon ay noon pang taong 2019 o bago ang Covid 19 pandemic.
Tiniyak naman ni PSA Head, Undersecretary Nestor Mapa kay Pangulong Marcos na sa sandaling mai-release na ng Department of Budget and Management ang kanilang pondo ay makapagsasagawa na sila ng census at makabubuo ng bagong listahan sa katapusan ng taon. (DDC)