Mga bahagi ng katawan ng usa nakumpiska sa isang dayuhan sa NAIA
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mga sungay ng usa na dala-dala ng isang pasahero sa Terminal 3.
Isinailalim sa screening sa pamamagitan ng x-ray scanning ang bagahe ng pasaherong New Zealand citizen ng dumating ito sa bansa lulan ng flight CZ309.
Natuklasan ng mga otoridad ang tatlong piraso ng sungay ng usa kasama ang skull at dalawang piraso ng deer skin.
Walang import permit ang nasabing mga kargamento mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na malinaw na paglabag sa Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). (DDC)