Skin lightening products na may taglay na mercury naglipana sa online shopping platforms ayon sa BAN Toxics
Umapela ang grupong BAN Toxics sa mga regulating agency na bantayan ang mga online shopping platform na nagbebenta ng mga produktong may mercury.
Nabahala ang grupo dahil sa talamak na bentahan online ng ipinagbabawal na mercury-added skin lightening products.
Kabilang sa mga naibebenta online ay mga Whitening Cream, Miraculous Cream, Beauty Cream at iba pang beauty products na pawang banned o bawal ibenta sa Pilipinas.
Ayon sa grupo, mayroon silang na-monitor na 1,000 sellers ng mga ipinagbabawal na skin lightening products sa Lazada, Shopee at Facebook Marketplace.
Ang nasabing mga produkto ayon sa BAN Toxics ay delikado sa kalusugan dahil nagtataglay ng toxic na mercury.
“We are dismayed that such beauty products still proliferate in the online shopping platforms despite the existing regulations on mercury-added cosmetics,” ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.
Panawagan ni Dizon sa Department of Trade and Industry (DTI) na ipatawag ang nasabing mga online shopping platforms para hindi na mapayagan na makapagbenta ang mga sellers ng ipinagbabawal na mercury-added skin lightening products. (DDC)