VP Sara Duterte sinabing haharapin niya ang mga pag-atake, black propaganda at paninirang-puri
Naniniwala si Vice President Sara Duterte na ang mga salitang binitiwan ng kapatid niyang si Davao City Mayor Baste Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay bahagi lamang ng pagtatanggol nito sa kaniya bilang kapatid.
Ayon sa bise presidente, hindi pa niya nakakausap ang nakababata niyang kapatid matapos ang maaanghang na salitang binitan nito kabilang ang paghiling na magbitiw sa pwesto si Pangulong Marcos.
Gayunman, sinabi ni Vice President Sara na maaaring ang ipinakita ni Mayor Baste ay matatawag na “brotherly love”.
Posible aniyang sa pananaw ni Mayor Baste ay hindi karapat-dapat ang nararanasang hindi magandang pagtrato ng bise presidente mula sa ilang mga sektor na malapit sa pangulo.
Gayunpaman, sinabi ni Vice President Sara na dahil siya ay ibinoto at pinagkatiwalaan ng taumbayan siya ay magtatrabaho at maninilbihan para lamang sa mga Pilipino.
Ani VP Sara, kakayanin niiya ang anumang atake, black propaganda, paninirang-puri, at iba pang mga hamon na ibabato sa kaniyang pagkatao.
Bagaman hindi aniya madali, sinabi ni VP Sara na patuloy siyang kumukuha ng lakas at inspirasyon sa tiwalang ibinibigay sa kaniya ng mga kababayan. (DDC)