Pag-inom ng ‘Fentanyl’ maaaring nakakaapekto sa kalusugan ni dating Pangulong Duterte ayon kay Pangulong Marcos
Binuweltahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibunyag na kasama sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang punong ehekutibo.
Sa ambush interview sa Pasay City bago tumulak patungong Vietnam, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat na alagaang mabuti si Duterte.
Ilang taon na rin aniyang inamin ni Duterte na umiinom siya ng fentanyl na isang highly addictive na gamot.
Maaari aniyang umeepekto ang fentanyl kay Duterte.
“It is highly addictive and it has very serious side effects. And PRRD has been taking the drug for a very long time now. When was the last time he told us that he was taking fentanyl? Mga 5, 6 years ago? Something like that. After 5, 6 years it has to affect. Kaya palagay ko kaya nagkakaganyan. I hope his doctors take better care of them, hindi pinapabayaan itong mga nagiging problema, ” pahayag ni Pangulong Marcos.
Tinawanan din lang ni Pangulong Marcos ang akusasyon ni Duterte na sangkot siya sa ilegal na droga.
“I won’t even dignify the question,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Matatandaang sa rally sa Davao, inakusahan ni Duterte si Pangulong Marcos na kasama umano sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Pero itinanggi na ito ng PDEA. (Chona Yu)