Pangulong Marcos hindi kailanman napasama sa drug watchlist ayon sa PDEA
Hindi kailanman napasama sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ginawa ng PDEA ang pagtanggi kasunod ng pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na noong siya pa ang alkalde ng Davao City ay may ipinakita sa kaniyang watchlist ang PDEA kung saan kasama ang pangalan ni Pangulong Marcos.
Sa pahayag na inilabas ng PDEA, base sa kanilang datos at lahat ng hawak na impormasyon, hindi kailanman napasama sa watchlist si Pangulong Marcos.
Ayon pa sa pahayag ng PDEA, si Duterte ay naging mayor ng Davao mula 1988 hanggang 1998, 2001 hanggang 2010 at 2013 hanggang 2016.
Habang ang PDEA ay na-activate lamang muli noong July 30, 2002.
Nang ma-activate ang PDEA ay binuo nito ang National Drug Information System (NDIS), na nagsilbing intelligence database para sa lahat ng drug personalities.
Ayon sa PDEA, hindi napasama ang pangalan ni Pangulong Marcos sa NDIS simula noong 2002 hanggang sa kasalukuyan.
Nilinaw din nitong wala ang pangulo sa listahan ng drug personalities kahit noong panahon ng Duterte administration. (DDC)