Ex-Cong. Mike Rivera inspirasyon si dating Governor Vilma Santos-Recto sa gagawing pagbabago sa probinsya ng Batangas
Isiniwalat ni dating 1-Care party-list representative Mike Rivera na gustong niyang sundan ang yapak ni dating Governor Vilma Santos-Recto sa gagawing pagbabago sa probinsya ng Batangas bilang na rin sa pakiusap ni Finance Secretary Ralph Recto matapos siyang iendorso bilang gobernador ng Batangas sa 2025 local elections.
“Ako’y kinukuha din ng ibang partido, ibang party list ko sa Manila para naging second nominee. Ito ho aking tinanggihan lahat. Pero yan naman sabi, ang daming-daming nagpapaendorso kay Sen. Recto at gusto lumaban bilang gobernador. Pero ako ho ang kanyang pinili. Ang sabi niya sa akin, may isa lang ako na sasabihin ko sa iyo. P’wede ba iangat mo ang probinsya ng Batangas? Pwede ba sundan mo ang yapak nila Governor V? Pagnininggin mo ang probinsya ng Batangas, ‘yan lang ang sasabihin ko sa iyo. Ayusin mo ang probinsya ng Batangas.”, ang kwento ni Ex-Cong. Rivera sa harap ng mga empleyado ng at kawani ng Batangas Electric Cooperative 2 sa Lipa, City, kaninang umaga, Enero 22.
Bilang dating presidente ng nasabing electric cooperative ay nagpahayag ang mga empleyado at opisyal nito na buo ang suporta nila kay Rivera sa pagtakbo sa pagka-gobernador. Marami na aniya ang nagpapakita ng suporta at tiwala sa kanyang kakayanan.
“So sabi ko, yun pala ang track record ko bilang congressman, bilang board of directors, bilang mayor yun pala ho’y binabasehan ng lahat tinitingnan. Sabi ko, pag-gobernador na pala ako, hindi ko po ito inaasahan. Pero ito’y pangarap ko na maging gobernador. Pangarap na pangarap ko. Pagkat isa, mapaglingkuran ko naman ang buong probinsya. Sabi ko nga ho, kung ano ang ginawa ko sa bayan ng Padre Garcia, kung paano nag-transform, paano naayos, paano na-disiplina ang mga tao, ito ay gagawin ko sa buong probinsya ng Batangas.” ang pahayag pa ni Rivera.
Bukod sa mga lokal na pinuno mula sa iba pang munisipalidad, ang mga miyembro ng Barako Eagles Club ay nagbigay ng kanilang suporta kay Rivera. Kumpiyansa sila na kaya ni Rivera na gayahin ang pagpapaunlad na ipinatupad niya sa kanyang termino bilang alkalde ng Padre Garcia.
Noong siya ay kinatawan ng 1-Care party-list, ibinigay ni Rivera ang kanyang malakas na suporta sa mga electric cooperative sa bansa, na nagtataguyod ng mga mahahalagang hakbang upang makatulong na mapabuti ang mga serbisyo ng mga kooperatiba.
Sa ulat, makakalaban niya si Jay Manalo Ilagan, incumbent vice mayor ng bayan ng Mataas na Kahoy at ang kasalukuyang presidente ng Vice Mayors’ League of the Philippines-Batangas Chapter, na nag-anunsyo rin ng kanyang pagtakbo para sa gubernatorial race sa Batangas. (Jr Narit)