Las Pińas LGU: Bagong funeral chapels sa Public Crematorium and Columbarium, bukas na
Handa nang magbigay serbisyo ang bagong 11 na funeral chapels sa loob ng Public Crematorium and Columbarium sa Barangay Ilaya, Las Piñas City, matapos itong pormal na buksan sa publiko nitong Huwebes, January 25.
Ito ay Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pangunguna nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar.
“Ang inagurasyon sa mga bagong funeral chapel ay pagpapalawak ng mahahalagang serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa mga residente lalo na sa mga nangangailangan at kapus sa buhay”, pahayag pa ni Mayor Aguilar.
Inihayag pa ng alkalde na ang columbarium ng Las Pinas ay may kabuuang 3,500 na niches o nitso na kayang i-accommodate ang 14,000 na urns.
Giit niya ang mga bagong bukas na chapel ay ginawang “friendly” sa persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng paglalagay ng ramp o rampa sa likod ng columbarium ng lungsod para sa mas madaling access sa panahon ng burol o pagbisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay o kamag-anak.
Dagdag pa ni Aguilar na ang “libreng Libing” program ay kabilang sa paggamit ng libreng isa sa 11 na bagong gawang chapel sa columbarium sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi na pananatili para sa burol ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Kasabay nito, nagbigay-pugay ang alkalde at inalala nito ang yumaong asawa na si dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar, na isa sa mga naglunsad ng “Libreng Libing” project.
Layon nito na maibsan ang pasaning pinansiyal ng mga maralitang residente ng lungsod.
Sa kasalukuyan, ang columbarium ng Las Piñas ay nakapag-cremate na ng kabuuang 1,200 na mga labi sa pamamagitan ng dalawang makina na kayang magsunog ng apat na labi kada araw. (Noel Talacay)