Upos ng sigarilyo, papel, balat ng candy pangunahing basura na itinatapon sa mga lansangan sa NCR
Upos ng sigarilyo o cigarette butts ang pangunahing basura na itinatapon sa lansangan ng Metro Manila.
Base ito sa Anti-Littering Apprehension Report noong nakaraang taon.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa datos ay 12,918 indibidwal o 79% ang nahuling nagtapon ng upos ng sigarilyo sa mga kalsada.
Pumapangalawa naman ang papel kung saan 1,524 indibidwal o 9.4% ang nahuling nagtapon nito; ikatlo ang balat ng kendi kung saan 1,343 indibidwal o 8.3% ang nahuling nagtapon.
Ayon sa MMDA, ang nasabing mga basura, bagaman maliliit lamang ay bumabara sa drainage at daluyang tubig.
Panawagan ng MMDA sa publiko, maging responsableng mamamayan at magtapon lamang sa tamang tapunan.
Ayon sa MMDA Regulation No. 96-009 o Anti-Littering Law, ang pagtatapon ng kalat o basura sa mga pampublikong lugar ay may multang P500 hanggang P1,000 o mabibigyan ng community service. (DDC)