Tatlong empleyado ng LTO arestado sa pagnanakaw ng plaka ng sasakyan
Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakaaresto sa tatlo nilang empleyado na matapos mahuling nagnanakaw ng palka ng sasakyan sa mismong planta ng ahensya sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang tatlong empleyadong nadakip ay sina Jenard Arida at Arjay Anasco na parehong nagtatrabaho bilang embossers at ang warehouse staff na si Valeriano Nerizon.
Ang tatlo ay nakatalaga sa Plate Making Plant sa LTO Central Office kung saan doon nila mismo ginagawa ang pagnanakaw.
Iniutos na din ang manhunt operation sa isa pang empleyado na si Allan Joker Abrigo na nagsisilbi bilang team leader ng tatlong nadakip.
Noong nakaraang taon, nakatanggap na ng report si LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante G. Militante hinggil sa pagnanakaw ng mga plaka.
Agad inatasan ni Mendoza si Militante na magsagawa ng imbestigasyon at arestuhin ang mga nasa likod ng aktibidad.
Nang makumpirma ang modus, agad nakipag-ugnayan ang LTO sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at isinagawa ng PNP ang pag-aresto.
Ayon kay Mendoza, ibinebenta ang mga nakaw na plaka sa halagang P10,000 kada isa.
Inaalam na ng LTO kung gaano karaming plaka ang nanakaw na ng mga suspek.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Article 310 o Qualified Theft at Article 294 o Robbery sa ilalim ng Revised Penal Code. (DDC)