Pagpapalakas sa kalusugan ng senior citizens tinututukan ng Las Piñas LGU
Nagpapatuloy ang pag-arangkada ng pneumonia vaccination drive ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas para sa mga senior citizen upang siguruhin ang kanilang kalusugan at kapakanan.
Nitong January 24, personal na tinutukan ni Vice Mayor April Aguilar ang pagbibigay ng libreng pneumonia vaccines sa higit 1,200 na nakatatandang Las Piñero sa pangangasiwa ng mga doktor at vaccinator ng City Health Office na isinagawa sa Barangays Almanza Dos at Pamplona Tres.
Ang vaccination drive ay bahagi ng ipinapatupad na mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang protektahan ang populasyon ng senior citizen na madaling mahawa sa respiratory diseases gaya ng pneumonia o pulmonya na nananatiling kabilang sa mga pangunahing sakit at sanhi ng kamatayan ng mga nakatatanda sa Pilipinas.
Binigyang importansiya ng bise-alkalde ang pangako ng lokal na pamahalaan na komprehensibong pangangalagang pangkalusugan at kapakanan ng mga senior citizen sa lungsod.
Ayon pa kay Vice Mayor Aguilar, ang inisyatibong ito ay mas malawak na istratehiyang pangkalusugan na nakatuon sa pinagandang pagkuha ng mga serbisyong medikal para sa lahat ng mga residente.
Ang matagumpay na bakunahan sa dalawang barangay ay sumasalamin sa malakas na pangako at dedikasyon ng Las Piñas LGU na siguruhin ang kalusugan ng mamamayan nito lalo na ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nakatatanda sa lungsod. (Bhelle Gamboa)