Kaunlaran sa komunidad at pangangalagang pangkalusugan nakatuon sa 68th session ng Las Piñas City Council
Pinagtuunang pansin ng Las Piñas City Council sa kanyang ika-68 na regular na sesyon sa pangunguna ni Vice Mayor April Aguilar ang mga inisyatibong pagpapaunlad ng komunidad at pangangalagang pangkalusugan ng mga Las Piñeros.
Sa naturang sesyon, masusing tinalakay ang endorso mula sa tanggapan ni Mayor Mel Aguilar para sa Memorandum of Agreement sa ilang medical institution kasama ang San Juan De Dios Educational Foundation, Inc., Las Piñas City Medical Center Inc., at Pamplona Hospital and Medical Center, Inc. para sa pagpapaganda ng Las Piñas City Hospitalization Program na mahalaga sa pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan ng mga residente sa lungsod.
Pinag-usapan din ng Konseho ang endorso sa Libreng Libing Memorandum of Agreement kasama ang funeral service providers kabilang ang Funeraria Filipinas Inc. at Antonino Dulce Memorial Service na asahang magbibigay ng libreng serbisyo sa libing sa mga residente, na sumasalamin sa pangakong suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga naulila sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Mabusisi ring tinalakay ng City Council ang panukalang ordinansa nina Konsehal Henry C. Medina at Filemon C. Aguilar III na nakatuon sa pagtatatag ng regular na lingguhang clean-up drive sa lahat ng 20 na barangay sa Las Piñas kung saan layunin ng hakbang na ito na labanan ang tumataas na banta ng dengue at iba pang mga sakit, bilang pagpapahalaga sa dedikasyon ng Konseho sa kalusugan ng mamamayan at kalinisan sa kapaligiran.
Inirekomenda naman ng Joint Committee on Laws, Rules & Privileges, at Health & Social Services ang pag-aapruba sa balangkas na ordinansa ng “Libreng Burulan,” na magtatakda ng free viewing sa Columbarium Funeral Chapels ng lokal na pamahalaan. Dinisenyo ang hakbang na ito upang pagaanin ang pasaning pinansiyal ng mga naulilang pamilya at siguruhin ang marangal na funeral services para sa lahat ng residente sa Las Piñas City. (Bhelle Gamboa)