Pag-kontrol sa inflation top urgent concern sa bansa ayon sa nakararaming Pinoy
Mas inaalala pa ng nakararaming Pinoy ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo kaysa sa usapin sa Charter Change.
Sa Tugon ng Masa (TNM) survey na ginawa ng OCTA Research, 73 percent ng adult Filipinos ang nagsabi na top urgent concern ang pag-kontrol sa inflation.
Ginawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na adult respondents noong Dec. 10 hanggang Dec. 14.
Ang ikalawang urgent concern ng mga Pinoy base sa survey ay ang access sa murang pagkain gaya ng bigas, gulay at karne, at ikatlo ang paglikha ng mas maraming trabaho.
Nasa ikaapat na puwesto ang pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa, pagpapababa sa poverty, libreng de kalidad na edukasyon, paglaban sa korapsyon at iba pa.
Nasa pang-labingwalong pwesto lamang ang usapin sa pagpapalit ng Konstitusyon.
Sa nasabing survey, pinapili ang mga respondent sa listahan ng tatlong pinaka-importanteng isyu na sa tingin nila ay dapat na aksyunan agad ng administrasyon ni Pangulong Marcos. (DDC)