Tangkang pagdukot sa babaeng Chinese sa Pasay City napigilan ng otoridad, 4 na ‘kidnappers’ arestado

Tangkang pagdukot sa babaeng Chinese sa Pasay City napigilan ng otoridad, 4 na ‘kidnappers’ arestado

Napigilan ng mga nagpapatrulyang operatiba ng Pasay City Police Substation 1 ang insidente ng tangkang pangdukot ng apat na suspek sa isang babaeng Chinese ngayong Lunes, January 22 ng umaga.

Kinilala ang apat na naarestong suspek na sina alyas Joe, 43-anyos; alyas Jhing, 27-anyos; alyas John, 25-anyos; at alyas Arn-arn, 47- anyos.

Samantala ang biktima ay itinago sa alyas Dana, isang 35-anyos na Chinese businesswoman.

Ayon sa report ng Southern Police District (SPD), nagsasagawa ng routine patrolling ang mga tauhan ng Substation 1 sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Brgy. 6, Pasay City nang maaktuhan ang komosyon dakong alas-7:30 ng umaga.

Mabilis na umaksyon ang otoridad kung saan naaktuhan ang tangkang pagkidnap ng apat na suspek sa biktima habang nasa loob ng kanyang puting BMW Sedan na nagresulta ng pagkakaligtas ng dayuhan at pagkakaaresto ng mga salarin.

Naging mahalaga ang papel at pagtulong sa mga pulis ng dalawang saksi na sina alyas Cong,39-anyos,negosyante at alyas Jayver, 45-anyos,barker/parking boy sa pagkakaaresto ng apat na suspek na nakitang sumakay sa itim na Toyota Land Cruiser Prado kung saan nadiskubre sa loob ng sasakyan ang isang revlover (paltik),limang bala ng cal.38, tatlong pakete na may bakas ng umano’y shabu, foil strip, dalawang kutsilyo na may lagayan,ibang kontrabando, tatlong handheld radio, duct tape, at martilyo na nakabalot sa medyas.

Mahaharap ang apat na suspek sa mga reklamong attempted kidnapping, paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), at BP 6 (Illegal Possession of Bladed, Pointed or Blunt Weapon).

Pinuri naman ni SPD District Director Brigadier General Mark Pespes ang pagiging mapagmatyag at mapanuri ng mga tauhan ng Pasay City Police sa kooperasyon ng mga saksi na kabilang sa kanilang pangakong pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

Samantala nagsasagawa ang otoridad ng follow-up investigation upang matukoy at maaresto ang posibleng kasabwat ng apat na suspek.(Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *