Indigent senior citizens tatanggap ng P1,000 na buwanang pension simula sa Pebrero
Simula sa buwan ng Pebrero ngayong taon isang libong piso na ang tatanggaping social pension ng mga indigent na senior citizen na sakop ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, nakasama na sa 2024 budget ng ahensya ang pagtataas ng pensyon para sa mga senior citizen sa ilalim ng Republic Act 11916 o an Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens.
Ang RA 11916 ay naging ganap na batas noong July 2022 kung saan iniuutos ang pagtataas ng 100 percent sa buwanang pensyon ng mga indigent senior citizen mula sa kasalukuyang P500 patungo sa P1,000.
Ito ay para makatulong sa mga seniors dahil sa epekto ng inflation.
Sakop ng social pension program ang mga indigent senior citizens na may sakit, disabled, at maging ang mga walang permanenteng income.
Sa datos ng DSWD, mayroong 4,085,066 indigent senior citizens ang sakop ng social pension program para sa taong 2024. (DDC)