Mga aksidenteng kinasangkutan ng e-Bike sa Metro Manila noong 2023 umabot sa 556
Naglabas ng partial report ang Metropolitan Manila Develppment Authority (MMDA) kaugnay sa mga aksidente sa kalsadang kinasangkutan ng electric bicycle sa buong Metro Manila nitong nakaraang taon.
Ayon sa datos ng MMDA, umabot sa kabuuang 556 na e-bike related road crash ang naitala sa buong Metro Manila simula January 2023 hanggang November 2023.
Sa nasabing kabuuang bilang, 281 rito ang damage to property, dalawa ang fatal, at 273 naman ang non-fatal injury o nasugatan.
Nabatid sa report na naitala ang dalawang kaso ng pagkamatay sa aksidente noong February at August sa mga lungsod ng Navotas at Las Piñas.
Binubuo ang Metro Manila ng 16 na lungsod at isang bayan na kinabibilangan ng Quezon City, Mandaluyong City, Marikina City, Pasig City, San Juan City, Caloocan City, Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, Las Piñas City, Makati City, Muntinlupa City, Parañaque City,Pasay City, Taguig City, Manila City at Munisipalidad ng Pateros. (Bhelle Gamboa)