Buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund tataas simula sa Pebrero
Simula sa buwan ng Pebrero ngayong taon, dodoblehin na ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni Pag-IBIG Fund Deputy Chief Executive Officer Alex Aguilar, hindi lang ang kontribusyon kundi maging ang benepisyo ng mga miyembro ang madodoble.
Kabilang sa tataas ang ipon, cash loans, multipurpose loans at iba pang benepisyo ng mga miyembro.
Ani Aguilar, makatutulong din ang pagtataas ng kontribusyon para mas mapalakas pa ang kakayahan ng Pag-IBIG Fund na magpautang para sa pabahay sa mga miyembro noto.
Hindi maikakaila ayon kay Aguilar na sa nakalipas na limang taon, mas dumami pa ang humihiram sa Pag-IBIG Fund.
Sabi ni Aguilar, ang karagdagang pondo ay magpapanatili sa mababang interes sa pautang sa housing loans ng mga miyembro.
Sa kasalukuyan, nasa P200 ang buwanang kontribusyon sa Pag-IBIG.
“Ang atin pong mga miyembro ay maaari ring magtaas ng kanilang monthly contributions on top of the P200, puwede nilang gawing halimbawa na P400 o P600. Ito ay tatapatan ng mga employers ng P200,” pahayag ni Aguilar. (Chona Yu)