Las Piñas LGU kinilala sa napakahusay na human resource management
Ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ay ginawaran ng Certificate of Recognition mula sa Civil Service Commission (CSC), sa Las Piñas City Hall nitong January 16, na natatanging kaganapan ng lungsod tungo sa pagtatatag ng kabutihan at napakagaling na human resource management.
Malugod na tinanggap nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang parangal na iniabot ni Director Laura D. Mangorangca, ng CSC NCR Regional Office,na kumikilala sa tagumpay ng Las Piñas sa pag-abot nito sa Maturity Level 2 in the Enhanced Program To Institutionalize Meritocracy And Excellence In Human Resource Management (PRIME-HRM).
Binigyang-importansiya ng CSC ang dedikasyon ng lungsod sa pagpapaganda ng Recruitment, Selection and Placement, at Learning and Development systems nito.
Ang PRIME-HRM ay programang sinimulan ng CSC na nakadisenyo sa pagpapaangat ng pamamahala o pangangasiwa sa tao sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Nagsisilbi rin itong makabagong instrumento, pagsasama-sama at pagpapaganda ng Personnel Management Assessment and Assistance Program (PMAAP) at ng CSC Agency Accreditation Program (CSCAAP). Layunin nitong lumikha ng mga kakayahan, sistema at kasanayan sa human resource management na patnubay sa mga ahensiya tungo sa napakagaling na HR.
Sa isang maikling talakayan, pinuri ni Director Mangorangca ang Las Piñas LGU sa napakahusay na pagganap sa human resource management at pinahalagahan nito ang PRIME-HRM sa pangangalaga ng kultura ng kagalingan at pananagutan sa serbisyo ng pamahalaan.
Nagpasalamat si Mayor Imelda Aguilar sa pagkilala at binigyang-diin nito ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko.
Ang nasungkit na tagumpay sa Maturity Level 2 ng PRIME-HRM ay mahalagang hakbang ng lokal na pamahalaan tungo sa napakagaling na pamamamahala at pagseserbisyo sa tao. (Bhelle Gamboa)