Free movie program para sa senior citizens sa Las Piñas aarangkada muli
Magandang balita sa mga Las Piñerong senior citizen dahil ipatutupad muli ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang free movie program nito sa piling sinehan sa lungsod matapos pansamantalang natigil ang implementasyon ng programa dahil sa pandemya.
Ang naturang programa ay nagbibigay ng prebilehiyo sa mga lolo at lola na libreng makapanood ng pelikula sa sinehan sa SM Southmall, Robinsons Las Piñas at Vista Mall.
Alinsunod sa inilabas na ordinansa ng Las Piñas City government at bilang pagtalima sa Seniors Citizens Act of 1995, mae-enjoy na ng mga residenteng senior citizen sa Las Piñas ang 100% diskwento sa mga sinehan tuwing araw ng Lunes at Martes.
Para sa libreng movie pass, magpunta lamang sa Office of the Senior Citizens Affairs Office (OSCA), dalhin at ipakita lamang ang senior citizen ID upang makakuha ng booklet na gagamitin naman sa pagpasok sa mga nabanggit na sinehan.
Ang naturang programa ay bahagi nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar na patuloy na kilalanin ng Las Piñas City ang mahalagang kontribusyon ng senior citizens sa lipunan.
Layunin ng programa na itaguyod ang kapakanan ng mga nakatatandang Las Piñero at tulong sa pangangalaga ng kanilang mental health. (Bhelle Gamboa)