Mga magsasakang mabulukan ng inaning gulay hindi mabibigyan ng tulong-pinansyal
Walang aasahang pinansyal na tulong ang mga magsasakang nabulukan na ng gulay.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., wala kasing nakalaang pondo ang kagawaran para dito.
“As of now, wala dahil we are technically, there is no fund to help them,” pahayag ni Laurel.
Hindi kasi naniniwala si Laurel na epektibo ang ayuda.
Sa halip, mas makabubuti aniya kung bibigyan ang mga magsasaka ng buto, abono at iba pa.
“As much as possible we’re trying to find ways na matulungan sila of course. I think that’s the job of the government. As of the moment, our team at the DA is trying to figure out what we can give them. As far as cash ayuda is concerned, I’m actually not a believer in that. I’d rather give farm implements like seeds, fertilizers, something else, or ano. Pero definitely we will try our best na makatulong tayo kasi ‘yan ang mandato natin,” pahayag ni Laurel.
Ilang magsasaka sa Benguet ang namigay na lamang ng repolyo dahil sa over supply habang ilang magsasaka naman ng sibuyas at couliflower sa Nueva Ecija ang napeste naman.
Ayon kay Laurel, pinagsusumikapan ngayon ng pamahalaan na makapagtayo ng mga cold storage facility para maiwasan ang pagkabulok ng mga ani.
Isa rin sa opsyon ni Laurel ay bilhin ng pamahalaan ang mga sobrang suplay ng gulay at ibenta sa mga Kadiwa stores. (Chona Yu)