20 ektaryang lupa sa Bilibid posibleng gawing PCG permanent headquarters
Binisita ng Philippine Coast Guard ang Bureau of Corrections at tinalakay ang posibleng paglalaan ng 20 na ektaryang lupa ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa upang gawing permanenteng headquarters ng PCG.
Ang pulong ay pinangunahan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at PCG head Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan.
Sinabi ni Gavan kay Catapang na nais ng PCG na kunin ang oportunidad na makaugnay sa BuCor para sa pagbabahagi ng parehong tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas at pagpapalakas ng pagbibigayan ng resources upang serbisyuhan ang sambayanang Pilipino.
Hiniling din ni Gavan sa BuCor para sa alokasyon ng 20 na ektaryang lote sa planong government center ng BuCor sa Bilibid matapos ang paglilipat ng lahat ng kanyang persons deprived of liberty sa labas ng Metro Manila.
Kabilang sa tinitignang mga serbisyong alok ng PCG ay ang paggamit ng PCG surface assets sa paglilipat ng PDLs;paggamit ng mga bus bilang transportasyon ng PDLs mula NBp patungong mga pantalan sa Manila;paggamit ng PCG aircraft sa inspeksiyon sa regional prisons at penal facilities; at training o pagsasanay mula sa PCG para sa Bucor personnel kaugnay sa mandatong tungkulin.
Winelcome naman ni Catapang ang PCG at iba pang ahensiya ng gobyerno na maglagay ng kanilang opisina sa 26.8 na ektaryang lupa na inilaan para sa planong government center.
Magbibigay ang BuCor ng inisyal na tatlong ektarya buhat sa 20 ektaryang lupa sa hiling ng PCG at tiniyak ni Catapang na pag-aaralan ang planong programa para sa government center.
Nag-alok din ang BuCor ng lupa sa Palawan malapit sa West Philippine Sea para sa karagdagan o expansion ng lote ng PCG.
“Technology conquered time and space, we are now technology driven so we can do business without going to Manila, so there is no need for bigger offices as we can farm out personnel and logistics,” sabi ni Catapang.
Pinaplano na rin ng BuCor ang one stop shop para sa government agencies sa planong government center na clean, green at technology driven ayon kay Catapang.
Maliban aniya sa government center, ang Department of Justice na kinauugnayang ahensiya ng BuCor ay nais na magtabi rin ng 100-ektaryang lupa buhat sa mahigit 350 na ektarya ng NBP para gawing open park katulad ng Central Park sa New York.
Kasama rin sa plano ang educational center, ospital at pabahay sa BuCor at Justice employees, at ng mga informal settlers na apektado sa paglilipat ng BuCor.
Samantala nagsagawa ng aerial survey sina CG Commandant at DG Catapang upang tignan ang lawak ng lupa ng BuCor. (Bhelle Gamboa)