4Ps beneficiaries hinimok na mag-avail ng mga programa ng gobyerno para sa tertiary education support
Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na i-avail ang mga programa ng pamahalaan para sa tertiary education support.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Strategic Communications Romel Lopez ang mga 4Ps beneficiaries ay maaaring mag-avail ng mga educational assistance programs mula sa Commission on Higher Education (CHED), kabilang ang scholarships, grant-in-aid, at student loan programs.
Layunin ng mga programa na mabigyan ng access sa de kalidad na edukasyon ang mga kasapi ng 4Ps sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang pinansyal na pangangailangan.
Sa pamamagitan nito ay natutulungan din ang mga kwalipikadong benepisyaryo na magkaroon ng maayos na kinabukasan.
Ani Lopez sa ilalim ng programa ang mga kwalipikadong 4Ps beneficiaries ay maaaring mabigyan ng libreng higher education sa anumang State Universities and Colleges (SUCs) at CHED-recognized Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa ngayon ani Lopez, mayroong 113 SUCs at 104 LUCs sa buong bansa ang nag aalok ng libreng tertiary education sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act. (DDC)