Epekto ng El Niño sa ekonomiya ng bansa pinatutukan ni Pang. Marcos

Epekto ng El Niño sa ekonomiya ng bansa pinatutukan ni Pang. Marcos

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tutukan ang epekto ng El Niño sa ekonomiya ng bansa.

Hindi kasi maikakaila ayon sa pangulo na aabutin pa ng hanggang second quarter ng taon ang panahon ng tagtuyot.

Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga na agad na ipatupad ang targeted interventions upang hindi sumirit ang presyo ng pagkain dahil sa kakulangan ng produksyon.

Kaya kailangan aniyang matutukan ang mga paraan para mapalago ang produksyon ng pagkain upang makamit ang layuning food security.

Paliwanag ni Pangulong Marcos, pagkain ang nangungunang dahilan ng pagbilis ng inflation.

Bagaman maganda na aniya ang itinatakbo ng ekonomiya, hindi pa rin dapat magpaka-kampante dahil mayroon pang mga hamon na maaari aniyang magpabagal o posibleng maging dahilan ng pagkasira ng positibong pagtaya sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, kabilang ang lumalalang tensyon sa politika sa ibang bansa ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang kalakalan, magpahirap sa global financing at mag-udyok ng fuel at food shock na maaring magdulot na naman ng pagbilis ng inflation.

Ayon kay Pangulong Marcos, isang hamon ngayon sa lahat ay hindi lamang palaguin ang ekonomiya kundi tiyakin na mararamdaman ng publiko sa lahat ng panig ng lipunan lalo na sa larangan ng imprastraktura, health care systems at educational system. (Chona Yu)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *