360 housing units naipagkaloob sa mga pamilyang naapektuhan ng Manila Bay rehab
Aabot sa 360 housing units ang nai-turnover ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pamilyang naapektuhan ng rehabilitasyon sa Manila Bay.
Inilipat ang mga apektadong pamilya sa Ciudad Kaunlaran Project Phase I sa Bacoor, Cavite.
Kasabay nito, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang groundbreaking ceremony para sa Phase II ng naturang pabahay.
Ayon kay Pangulong Marcos, natapos ang pabahay dahil sa pagtutulungan ng National Housing Authority (NHA), local government unit ng Bacoor, government agencies at pribadong sektor.
“Ito ay upang makapaghatid ng ginhawa para sa mga Caviteñong apektado ng Writ of Continuing Mandamus ng Supreme Court sa paglilinis ng Manila Bay at paglilikas ng mga Pamilyang nakatira sa baybayin nito,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Bilang agarang tugon, pinabilis po natin ang kanilang relokasyon sa bagong Pabahay na ligtas, de-kalidad, komportable at may maayos na pamayanan,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nasa 120 pamilya naman ang makikinabang sa Phase II at inaasahang matatapos sa 2025.
“Hinihikayat ko po ang ating mga benepisyaryo na pagtibayin ang pakikipag-tulungan sa ating pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kasaganahan sa komunidad na ating binubuo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Itong Ciudad Kaunlaran ay puno ng bagong pag-asa, hindi lamang para sa mga benepisyaryo, ngunit para sa lahat na makakakita ng tagumpay ng proyektong ito. Tinatawagan ko po ang lahat ng mga benepisyaryo na gamitin ang biyayang ito upang mapaunlad ang inyong mga buhay at matiyak ang magandang kinabukasan para sa inyo at para sa mga pamilya ninyo,” saad ni Pangulong Marcos.
Nasa mahigit 80,000 pabahay na ang naipatayo ng NHA at P700 milyong pondo ang inilaan gamiy ang Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
“Sigurado po ako na ang Ciudad Kaunlaran at iba pang mga proyektong pabahay ng pamahalaan ay magiging daan natin tungo sa Bagong Pilipinas na karapatdapat para sa lahat ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Pangulong Marcos. (Chona Yu)