‘Pambansang Pabahay’ o ‘4PH’ ng gobyerno sa Metro Manila aarangkada na
Sama-samang aaksiyon ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), Department of Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Metro Manila mayors para sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ginanap na Metro Manila Council (MMC) meeting ngayong January 10 sa MMDA headquarters sa Pasig City, sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang DHSUD ay mayroong 170,000 units o 55 projects sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila na kasalukuyan ang konstruksiyon.
Dinisenyo ang 4PH program sa pagtugon sa pangangailangan ng disenteng bahay at lumikha ng magandang epekto sa matatag na sektor sa lumalagong ekonomiya.
Ang informal settler families (ISF) naman ay pansamantalang bibigyqn ng relokasyon sa staging areas ng gobyerno ng isa hanggang dalawang taon habang nasa ilalim ng konstruksiyon ang 4PH project.Lahat ng ISFs ay permanenteng ililipat sa kani-kanilang bagong bahay kapag nakumpleto ito.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang local government units (LGUs) sa Metro Manila ay may malaking papel sa pagtukoy sa mga hindi ginagamit o nakatiwangwang na lupa ng pamahalaan na maaaring gamitin sa programang pabahay ng gobyerno at staging areas na magsisilbing temporary shelters.
“The ISF families will not be displaced as we plan in-city relocation,” sabi Abalos.
Inihayag naman ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, na nanguna sa MMC meeting, na ang Metro Manila mayors ay magsasagawa ng imbentaryo o inventory ng informal settler families sa kanilang nasasakupan at government-owned open spaces o angkop na mga lugar bilang staging sites.
“We will create a Technical Working Group that will be closely working together for the submission of LGUs’ inventories of all available and suitable lands for the program,” sabi ni Artes.
Binigyang-diin din ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora ang pangako at kooperasyon ng Metro Manila upang siguruhin ang matagumpay na implementasyon ng 4PH program sa ilalim ng Executive Order No. 34 ng Pangulo.
“The Metro Manila mayors are in full support of the president’s housing program. It is my vision for San Juan to be informal settler families-free, and this project is an opportunity to make it possible and provide the ISFs with decent housing all over Metro Manila,” sabi ni Zamora.
Ayon pa kay Zamora magbibigay ang LGUs ng incentives o insentibo sa mga may-ari ng lupang nakatiwangwang na papayag ipagamit na gawin itong staging areas. (Bhelle Gamboa)