DepEd inatasan ni Pang. Marcos na paghusayin pa ang mga guro at tugunan ang problema sa bullying
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) na tutukan ang pagpapataas ng level of proficiency ng mga mag-aaral.
Ito’y sa harap ng pagkahuli pa rin ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA).
Sa sectoral meeting sa Malakanyang, partikular na iniutos ng pangulo na bigyang-pansin ang pagsasanay pa ng mga guro, nutrisyon ng mga estudyante at pagpapahinto sa bullying.
Binanggit naman nina DepEd Undercretaries Michael Poa at Gina Gonong sa press briefing sa Palasyo ng Malakanyang na iniulat nila kay Pangulong Marcos ang ginagawang mga hakbang ng ahensya.
Kabilang dito ang learning recovery program, national Math program, national Science program, at Friday catch-up program na pasisimulan na rin ngayong darating na Biyernes.
Pagdating sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo, sinabi ni Poa na tuloy-tuloy rin ang mga programa sa pagsasanay sa mga guro kabilang ang pagsusulong ng specialization at masters degree.
Nakikipag-ugnayan naman anya ang ahensya sa DSWD para sa pagpapabuti pa ng feeding program.
Sa usapin ng bullying, pinaiigting ng DepEd ang mga hakbang para makontrol ito sa pamamagitan ng binuong child protection committee sa mga paaralan. (Chona Yu)