Lider at miyembro ng gun running group timbog sa entrapment operations sa Muntinlupa
Nadakip ng mga operatiba ng Southern Police District Special Operations Unitang sinasabing lider at kasapi ng Sgt Ivan Gun Running Group sa ikinasang entrapment operation kaugnay sa iligal na bentahan ng baril at bala sa Muntinlupa City sa kasagsagan ng 2024 Traslacion ng Itim na Nazareno.
Kinilala ni SPD District Director, Brig. General Mark D. Pespes ang mga naarestong suspek na sina alyas Ivan (leader), 51-anyos at alyas Daryl (member), 40-anyos.
Samantala, isinasailalim naman sa masusing imbestigasyon ng otoridad ang driver na si alyas Alvin, 41-anyos, kung may kaugnayan ito sa naturang criminal group.
Ayon sa ulat, nitong January 9 ng alas-8:00 ng umaga isinagawa ang inisyal na operasyon ng SPD, Station Intelligence Section ng Muntinlupa CPS, CIDG-QCDFU, at PS-4 MPD, sa harapan ng Korean grill restaurant sa Festival Mall, Alabang Muntinlupa City na nagresulta ng pagkakaaresto ni alyas Ivan.
Nagbenta umano si alyas Ivan ng dalawang kahon ng 5.56mm na naglalaman ng tinatayang 2,000 rounds matapos matanggap ang buy-bust money habang nakumpiska ang ilang matatas na kalibreng baril sa isa pang operasyon.
Bandang 11:15 ng umaga naman ang kasunod na operasyon na ikinaaresto ni alyas Daryl sa Sampaloc, Manila.
Nagsimula ang transaksyon sa suspek sa Muntinlupa City at inilipat nito sa D. Tuazon, Quezon City kung saan tila nagduda si alyas Daryl kaya pinalitan ulit ang lokasyon patungong Bataan St., Brgy. 55 Sampaloc, malapit sa boundary ng QC at Manila.
Narekober sa suspek ang isang Armscor Caliber .45 pistol na patuloy pang bineberipika ng otoridad.
Base sa report, isinasangkot ang Sgt Ivan Group, na binubuo ng reservists o dating uniformed personnel, sa gun running activities sa katimugang bahagi ng Metro Manila at karatig na mga lungsod.
Ang mga suspek at nakumpiskang ebidensiya ay nasa kustodiya ng DSOU-SPD para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.
“The diligent work of law enforcement in this operation highlights their commitment to curbing illicit activities and ensuring the safety of our community,” sabi ni BGen Pespes. (Bhelle Gamboa)