Mga mag-aaral sa EMBO barangays walang dapat na ikabahala
Nais ipaabot ng Taguig City government sa mga mag-aaral sa EMBO na wala silang dapat ikabahala sa magiging epekto ng hakbang ng Makati City.
Ito ang naging tugon ng Taguig sa inilabas na anunsyo ng University of Makati (UMak) na hindi na itinuturing residente ng Makati ang mga estudyante ng EMBO kaya magbabayad na sila ng P3,000.00 tuition fee bawat semestre bukod pa sa miscellaneous fees.
Subalit sinasabing namagitan umano si Mayor Abby Binay at ipinagpaliban ang planong ito para sa susunod na school year.
Bago pa man ang anunsyo ng Makati, gumawa na ng mga hakbang ang Taguig hindi lamang upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga residente ng EMBO kundi maiangat ang kanilang mga benepisyo.
Naniniwala ang pamunuan ng Lungsod Taguig na ang lahat ng tao ay nilikha na kawangis ng Maykapal, at may kakayahang hubugin ang kanilang sarili para sa ikabubuti nila at ng kanilang lipunan.
Kapag suportado ng pamahalaan ang mamamayan, magpupursigi sila na mapaghusay ang kanilang buhay.
Pangunahin dito ang oportunidad sa edukasyon kung saan bilang mamamayan ng Taguig, ang mga residente ng EMBO ay may karapatan sa pantay-pantay na access sa de-kalidad na edukasyon sa iba’t ibang larangan.
Sa Taguig, hindi limitado ang scholarship sa Top 10% ng senior high school graduates. Naniniwala ang ating mga pinuno na may iba’t ibang husay at galing ang bawat indibidwal. Lahat ng high school graduates, kabilang ang mga nasa kolehiyo na ay may oportunidad na makapag-aral nang hindi hadlang ang mga gastusin.
Maging ang mga nagrerebyu para sa board at bar exams, kumukuha ng masteral at doctoral degrees, at nag-aaral ng abogasya o medisina ay may scholarships din.
Ang Taguig college scholars ay makatatanggap ng P15,000 hanggang P50,000 kada taon na maaaring ibayad sa eskwelahan na kanilang pinili.
Sa mga nakukuha ng scholarship sa ibang ahensya o institusyon, ibibigay pa rin ng Taguig ang scholarship benefits na angkop sa kanila.
Ang mahigit 83,000 na kasalukuyang Taguig scholars ay nag-aaral sa mahigit 200 unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila at Luzon kasama na ang UP, Ateneo, La Salle, at UST.
Sa unang semestre ng academic year 2023-2024, mahigit 5,000 estudyante ng EMBO ang nag-avail na ng scholarship ng Taguig.
Sa pamamagitan ng Taguig scholarship program, nakapagtapos ang libu-libong estudyante kung saan 1,815 rito ang nagtapos ng may karangalan. Sa mga kumuha ng board o bar examinations, 3,506 na ang pumasa; 45 sa kanila ay kasama sa Top 10 o Topnotcher sa buong bansa.
Naging inhenyero, guro, nurses, accountants, arkitekto, psychometricians, criminologists, abogado, doktor, at iba pang propesyonal ang mga scholars ng Taguig.
Malinaw ang positibong epekto ng scholarship program ng Taguig hindi lamang sa indibidwal na buhay ng mga estudyante kundi sa lipunan kasama na ang gumagandang buhay ng kanilang pamilya.
Patuloy ang Taguig sa pagbalangkas ng mga programa at proyektong tutupad sa adhikain nitong Transformative, Lively and Caring Probinsyudad.
Nagbigay na ng tagubilin si Mayor Lani Cayetano sa City Scholarship Office na subaybayan at gabayan ang mga estudyante ng EMBO na gustong ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa UMak.
Ang lupang kinatitirikan ng UMak ay iginawad ng Estado para sa layuning pang-edukasyon ng mga residente ng EMBO. Ito rin ang layunin sa pagtatayo ng mga pasilidad at pagbiĺi ng mga kagamitang pang-edukasyon.
Ang UMak ay sakop ng teritoryo ng Taguig. Bagaman ang kapakanan ng mga estudiante ang pangunahing pinagkakaabalahan ng Taguig, nirereserba ng Taguig ang anuman at lahat ng karapatan nito sa pagmamay-ari ng UMak bilang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga residente ng EMBO at ng buong Taguig. (Bhelle Gamboa)