DOH hospitals sa Metro Manila sasailalim sa Code White Alert simula sa Jan. 5 bilang paghahanda sa Traslacion 2024
Sasailalim sa Code White Alert ang lahat ng ospital ng Department of Health (DOH) sa National Capital Region (NCR) simula sa January 5, 2024.
Ito ay bilang paghahanda sa taunang Traslacion o ang Kapistahan ng Black Nazarene sa January 9.
Itinataas ang Code White Alert tuwing mayroong national events, holidays, o selebrasyon kung saan mayroong potensyal ng pagkakaroon ng mass casualty incidents o emergencies.
Sa ilalim ng Code White Alert, may mga medical personnel at staff ang dapat naka-standby para sa agarang pagtanggap ng mga pasyente.
Magde-deploy din ang DOH ng walong health emergency response teams na may mga kagamitan gaya ng ambulansya sa ruta na daraanan ng Traslacion.
Ito ay para magbigay ng tugon sa pangangailangang medikal ng mga deboto.
Tatagal ang Code White Alert sa DOH NCR Hospitals hanggang sa Jan. 11, 2024. (DDC)