MMDA at MTPB nagsagawa ng clearing ops sa mga ruta ng traslacion ng Itim na Nazareno
Magkatuwang ngayong January 4 ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Manila City government sa pagsasagawa ng clearing operations sa mga ruta ng traslacion ng Itim na Nazareno sa mga kalsada sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng MMDA Special Operations Group-Strike Force at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), para siguruhing walang sagabal o nakaharang na makakaabala sa taunang prusesyon ng Itim na Nazareno sa January 9 na inaasahang dadagsain ng milyun-milyong deboto at iba pang partisipante.
“Clearing operations are part of the government’s preparations so that routes are passable and obstruction-free for the safety and security of the devotees that would participate in the procession,” sabi ni Artes.
Sinabi nina MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Victor Nuñez at SOG-SF Officer in Charge Gabriel Go na ang mga operasyon ay sa koordinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Manila.
Inihayag naman ni MTPB chief of operations Wilson Chan na walang humpay ang kanilang isinasagawang clearing operations hindi lamang ngayong may prusisyon.
Kaagad na tinanggal ang mga iIlegally-parked vehicles, electric tricycles, at iba pang obstructions sa mga ruta ng traslacion at iba pang kalsada na bahagi ng Mabuhay Lanes.
Nasa kabuuang 58 na sasakyan ang nahuli habang 22 rito ang natow dahil sa illegal parking sa kasagsagan ng clearing operations.
Samantala, sinabi ni Artes na ang MMDA ay handang handa sa pagbibigay ng traffic at emergency assistance bago, sa kasagsagan, at pagkatapos ng mga aktibudad para sa pista ng Itim na Nazareno , “Pahalik” o paghalik sa imahe sa Quirino Grandstand na mag-uumpisa sa January 6.
“A total of 850 personnel will be deployed to assist in traffic management, public safety, maintenance of peace and order, emergency response operations, and clearing operations,” ani Artes.
Ang mga sumusunod na opisina ng MMDA ay lalahok sa kani-kanilang iniatas na tungkulin:
• Ang MMDA Traffic Discipline Office ang mamamahala sa trapiko sa mga itinakdang ruta, alternatibong ruta.
• Nakatutok naman ang MMDA Road Safety Unit/ Traffic Engineering Center sa instalasyon at pagpapalit ng mga bakod at plastic barriers sa Luneta Parade Ground para sa “Pahalik” at sa ruta ng prusisyon at mamamahala sa signalized intersections.
• Ang MMDA Metro Parkways Clearing Group ang mangangasiwa sa paglilinis at kaayusan sa bisinidad ng Quirino Grandstand at mga kalsada sa mga ruta ng prusesyon; maging ang paglalagay ng see-through fences at probisyon ng portalets sa Quirino Grandstand.
Ide-dispatch naman ang mga ambulansya, road emergency vehicles, traffic mobile cars, at kinakailangang equipment o kagamitan sa mahahalagang erya sa panahon ng relihisyosong pista.
Bukod dito, ang mga monitoring at communication equipment ay ilalagay din sa command centers.
Pinapayuhan ang mga motorista at publiko na tandaan o ilista ang mga kalsadang pansamantalang isasara sa panahon ng prusisyon na magsisimula sa Quirino Grandstand at pagtatapos nito sa Quiapo Church.
Ang ruta ng prusisyon ay ang sumusunod:simula sa Quirino Grandstand, kanan sa Katigbak Drive (kaliwang bahagi), kanan sa Padre Burgos St. sa pamamagitan ng Finance Road, diretso sa Ayala Bridge, kaliwa sa Palanca St., kanan sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui Street, kanan sa Fraternal Street, kanan sa Vergara Street, kaliwa sa Duque de Alba Street, kaliwa sa Castillejos Street, kaliwa sa Farnecio Street, kanan sa Arlegui Street, kaliwa sa Nepomuceno Street, kaliwa sa Concepcion Aguila Street, kanan sa Carcer Street, kanan sa Hidalgo sa pamamagitan ng Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo sa pamamagitan ng Gonzalo Puyat, kaliwa sa J.P. de Guzman Street, kanan sa Hidalgo Street, kaliwa sa Quezon Boulevard, kanan sa Palanca St.sa pamamagitan ng ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Villalobos sa pamamagitan ng Plaza Miranda patungong Quiapo Church. (Bhelle Gamboa)