Las Piñas BPLO nagbukas ng satellite office sa Robinsons Mall
Upang mapabilis at maging lalong kumbinyente ang pag-aasikaso sa pagkuha o pagrenew ng permit sa mga negosyo,binuksan ng Las Piñas City Government sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office ang kanyang satellite office sa Robinsons Mall Las Piñas.
Hinikayat ni BPLO Chief Jesus Wilfredo D. Gaerlan ang mga negosyanteng Las Piñeros na agad asikasuhin ang kanilang pagkuha o pagrenew ng permit para sa kanilang negosyo sa lungsod.
“Ineencourage po namin kayo na pumunta nang mas maaga at sa madaling panahon para hindi abutin ang rush ng mga magrerenew during deadlines at hindi madelay sa pagkuha ng permits,” pahayag nito.
Ayon pa kay Gaerlan, binuksan ang satellite office sa naturang mall nitong Enero 2 hanggang Enero 22 mula alas-9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Maaaring magtungo sa tanggapan ng BPLO sa city hall o sa satellite office nito sa Robinsons Mall Las Piñas at dalhin ang kumpletong kinakailangang mga dokumento para sa mas maayos at mabilis na proseso nito.
Sa mga representative o kinatawan ng business owners ay marapat lamang na magdala ng authorization letter.
Samantala para sa renewals, kailangan ang financial statements mula sa nakalipas na dalawang taon, VAT returns sa nakaraang taon, homeowners clearance, at dating permit.
Ang mga bagong aplikante ay dapat na magprisinta ng DTI o SEC Certifications, contract of lease kung nangungupahan at homeowners clearance.
Ang inisyatibong ito ng Pamahalaang Lungsod ay sa pangunguna nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar na naglalayung maghandog ng lalong business-friendly environment, mabawasan ang karaniwang dami ng taong kumukuha ng permit sa opisina sa city hall at mas maayos ang pagproseso nito.
Ang Las Piñas City ay patuloy sa pag-unlad at pag-engganyo pa ng mas maraming negosyo. (Bhelle Gamboa)