2 pang kumpirmadong kaso ng stray bullet injuries naitala ng DOH; kaso ng fireworks-related injuries umakyat na 585
Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng dalawa pang kumpirmadong kaso ng stray bullet injuries.
Ayon sa DOH, isang 28-anyos na lalaki mula Metro Manila ang nagkaroon ng fracture sa kaniyang kaliwang paa dahil sa tama ng bala ng baril.
Habang isang 60-anyos na lalaki mula Cordillera ang nagtamo din ng fracture sa kaniya namang collar bone dahil din sa tama ng bala ng baril.
Samantala, simula umaga ng Jan. 3 hanggang umaga ng Jan. 4, dagdag na 28 kaso pa ng fireworks related injuries ang naitala ng DOH.
Ayon sa DOH, sa kabuuan umabot na sa 585 ang fireworks-related injuries na naitala sa bansa.
Sa nasabing bilang, 581 ang dahil sa paputok, 1 ang watusi ingestion, at 3 ang stray bullet injury.
Sa Metro Manila may pinakamaraming nasugatan na umabot sa 311, kasunod ang Ilocos Region na mayroong 58, Calabarzon na mayroong 47, at Central Luzon na mayroong 42. (DDC)