Political detainee na may karamdaman, pinalaya sa ng BuCor
Isang political detainee ang kabilang sa pinakabagong person deprived of liberty (PDLs) na pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong December 27.
Ayon sa datos ng BuCor umabot na sa kabuuang 1,227 PDLs ang napalaya ngayong buwan.
Kinilala ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang lumayang PDL na si Rimberto Salvanera.
Si Salvanera ay nakaratay sa National Kidney and Transplant Institute dahil sa problema sa kidney o bato nang isilbi sa kanya ng kinatawan ng BuCor ang kanyang release order.
Ang naturang PDL ay dinala ng otoridad sa New Bilibid Prison noong March 10, 2012 sa bisa ng kautusan ng Manila Regional Trial Court Branch 41 para sa criminal case no. 98-164879 dahil sa kasong murder at hinatulan si Salvanera ng reclusion perpetua.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang order of commutation noong December 29, 2022 kaya bumaba ang sentensiya ni Salvanera sa indeterminate penalty na 20 na taon bilang minimum hanggang 25-taong maximum habang ang lahat ng ibang bahagi ng kanyang hatol kasama ang adjudged civil liabilities ay mananatiling hindi nagambala at nasunod ito.
Base sa records ni Salvanera, ganap na niyang natapos ang kanyang hatol kung saan napagsilbihan nito ang aktuwal na panahon na 16 na taon,pitong buwan at 22 na araw habang ang kanyang conduct time allowance (GCTA) ay 9-taon,limang buwang at isang araw kaya sa kabuuan natapos nito ang sentensiya kasama ang GCTA na umabot sa 26-taon at 23 na araw.
Sinabi pa ni Catapang na si Salvanera ay 86-anyos na at kuwalipikadong palayain mula sa kanyang pagkakaratay lalo na’t natapos na nito ang kanyang hatol at wala ng iba pang rason para manatili pang nakakulong.
Samantala, umabot na sa kabuuang 6,821 PDLs ang lumaya simula nitong January 2023 hanggang ngayong December 28, 2023. (Bhelle Gamboa)